Batay sa isang liham sa Photokina Marketing Corporation (PMC), inamin ni SC Public Information Office chief Atty. Ismael Khan na nagkamali ang kanilang writer sa pagsusulat ng press release ukol sa pagpapawalang-saysay ng Mataas na Hukuman sa VRIS project sa pagitan ng nasabing kumpanya at Comelec. Niliwanag ni Khan na maaari sanang naitama ang naturang press release kung ginamit lamang ng kanilang writer ang eksaktong quotation mula sa desisyon.
Nauna nang nagbanta ang PMC na idedemanda nila ang SC PIO chief kung hindi nito lilinawin ang mga naglabasang ulat. Iginiit ng PMC na iniligaw ng nasabing press release ang paniniwala ng publiko ukol sa nabanggit na proyekto.
Sa naturang balita ng PIO, nakasaad na hindi nila maaaring ibigay ang award ng VRIS sa Photokina kahit ito ang nanalong bidder dahil walang nakalaan na pondo para dito ang gobyerno, gayong malinaw sa desisyon na walang binabanggit na "null and void" sa kontrata ng PMC kaya nagkamali dito ang SC. (Ulat ni Gemma Amargo)