Sa kasalukuyan, umabot na sa 94 ang bilang ng mga Pilipino sa Ivory coast mula sa ipinalabas na bilang na 87. Gayunman, nahihirapan umano na mahanap ang lokasyon ng mga ito dahil na rin sa kawalan ng embahada doon.
Ayon sa report ni RP Ambassador to Nigeria Masaranga Umpa sa Department of Foreign Affairs, kontrolado na ng mga rebeldeng sundalo ang siyudad ng Bouake at Northern Korhogo sa Ivory Coast at nagbabanta pang sakupin at manggulo sa ibang kalapit na lungsod.
Dahil dito, nagkaroon na rin ng panic buying ang mga mamamayan sa Ivory Coast dahil sa pangambang bumagsak ang kanilang ekonomiya mula sa nagaganap na rebelyon na tinataya nilang magtatagal pa ng ilang linggo hanggang hindi ibinibigay ng pamahalaan ang kanilang mga kahilingan.
Nagpalabas na ng kautusan si Pres. Laurent Gbagbo na ipatupad ang curfew sa buong Ivory Coast.
Magsisimula ang nationwide curfew bandang alas-8 ng gabi at magtatapos ng alas-6 ng umaga. (Ulat ni Ellen Fernando)