Sa pagtanggi sa mosyon, nilinaw ni Judge Guillermo Purganan ng MRTC branch 42 na ang desisyon ng Korte Suprema na bumabawi sa P1milyong piyansa ni Jimenez ay hindi pa pinal kayat hindi pa maaaring magpalabas ng warrant of arrest.
"Gaya ng naging desisyon ng Supreme Court na kanselahin ang paglalagak ng piyansa ni Jimenez, hindi rin pinapayagan ng hukumang ito na ipatupad ang pag-aresto dahil hindi pa naman final and executory ang mga usaping ito," pahayag ni Purganan.
Nakasaad din sa desisyon na hindi pa umabot sa itinakdang 15-day period ang Sept. 24 decision ng SC, dahilan upang pansamantalang hindi maihahain ang arrest warrant kay MJ.
Sinabi pa nito na nasa DOJ na ang desisyon kung muli silang magpa-file ng motion for reconsideration na humihiling ng mabilisang pagdakip kay MJ.
Wika naman ni Sec. Hernando Perez, nais lamang makatiyak ng DOJ na mamonitor ang bawat kilos ni Jimenez upang hindi na ito muling makatakas sa kamay ng batas habang nakabinbin ang kanyang extradition case.
Samantala, wala namang balak ang Malacañang na humirit pa sa ginawang pagbasura ng mababang korte sa paglalabas ng warrrant laban sa kongresista.
Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na hihintayin na lamang ng Palasyo ang pagrepaso ng Korte sa motion ni Jimenez. (Ulat nina Andi Garcia/Rudy Andal/ Ely Saludar)