Kinumpirma kahapon ni Garchitorena na naghain na siya ng optional retirement sa Supreme Court na magiging epektibo ngayon.
"I filled my application for (an optional) retirement to be effective Friday, September 27," anang 64-anyos na mahistrado.
Inamin ni Garchitorena na hinihintay pa niya ang magiging desisyon ng SC kasabay ng pahayag na maaaring tanggihan ito ng Pinakamataas na Hukuman ng bansa.
Nakasaad sa Konstitusyon na ang mga justices ay maaaring magsilbi hanggang 70-taong-gulang o hanggang sa maging "incapable" na ito o hindi na kayang gampanan ang kanyang tungkulin.
Sa kaso ni Garchitorena, may anim na taon pa itong natitira bago ang kanyang mandatory age retirement.
Magugunitang naluklok bilang kasapi ng Sandiganbayan si Garchitorena sapul noong 1986 sa pamamagitan ni dating pangulong Aquino.
Sinuspinde ng SC si Garchitorena dahil sa kabiguan nitong maresolba ang mga kasong nakabinbin sa First Division ng Sandiganbayan pero binigyan ito ni Chief Justice Hilario Davide ng hanggang Setyembre 30 upang matapos ang mga nakabinbing kaso.
Gayunman, sinabi ni Garchitorena na hindi niya makakayang tapusin ang 37 criminal at civil cases na hinahawakan niya dahil hindi umano niya maaaring isakripisyo ang "quality" sa pagresolba sa mga ito.
"The Supreme Court is giving me a period to comply. This (resolve pending cases) is not a matter of fill in the blanks...I have to study all the cases well," pahayag ni Garchitorena. (Ulat ni Malou Escudero)