Ayon kay Senior State Prosecutor Alex Padilla, isang motion for disclosure ang kanilang inihanda para hilingin sa Sandiganbayan na ipatawag ang pamunuan ng PCI-Equitable bank dahil sila lamang umano ang makapagbibigay linaw upang malaman kung sino, kailan at papaano nailabas ang may P3.2 bilyon sa kontrobersyal na account kung saan P2,770.69 na lamang ang natitira mula sa dating laman na P500 milyon.
Naniniwala naman si Assistant Ombudsman Dennis Villa Ignacio na hindi maaring si Jaime Dichavez ang nag-withdraw ng naturang halaga dahil matagal nang pinaghahanap ito ng batas.
Si Dichavez ang sinasabing best friend ni Estrada na umako na siya ang nagmamay-ari ng Jose Velarde account para lamang mailigtas ang dating pangulo sa mga anomalyang kinasangkutan nito.
Posible umano na ang nasabing pera ay ini-withdraw sa pamamagitan ng isang representante na dapat lamang malaman ng taumbayan ngayon ang tunay na kasagutan.
Dahil sa nangyaring pagwi-withdraw sa Velarde account ay higit anyang lalakas ang ebidensiya ng prosekusyon upang lalong madiin sa kaso si Estrada. (Ulat ni Malou Escudero)