Sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na naghahanap na ng kulungan ang DOJ na paglalagyan kay Jimenez at kabilang sa pinagpipilian ay ang Manila City Jail, Camp Crame at posible rin umano itong isama kay dating ARMM governor Nur Misuari sa Sta. Rosa, Laguna.
Gayunman, hindi pa maaaring arestuhin ang kongresista dahil sa binigyan pa ito ng korte ng 15 araw upang iapela ang desisyon o maghain ng motion for reconsideration subalit kapag natalo sa apela ay tiyak na sa kalaboso ang bagsak nito.
Base sa 50-pahinang Supreme Court en banc resolution, kinatigan ng mga mahistrado na ipawalambisa ang naunang desisyon ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 43 Judge Guillermo Purganan na nagbibigay laya kay Jimenez para makapag-bail ng P1 milyon sa argumentong hindi umano awtomatikong karapatan ng isang akusado na makapagpiyansa kapag ang kaso nito ay extradition.
Matatandaan na hiniling ng US government sa Pilipinas na sipain palabas ng bansa si Jimenez upang harapin nito ang lahat ng kanyang mga kasong kriminal na nakabinbin sa Amerika tulad ng tax evasion, wire fraud at iligal na pagbibigay ng campaign contribution sa Democrat Party ni dating US president Bill Clinton.
Noong Mayo 23, 2001 ay pinayagan ni Purganan si Jimenez na makalaya sa pamamagitan ng P1 milyong piyansa dahilan para umakyat ang DOJ sa SC upang kuwestiyunin ang hatol ni Purganan.
Samantala sinabi ni House Speaker Jose de Venecia na hindi pa final ang desisyon laban kay Jimenez at hinihintay pa nila ang kopya ng kautusan mula sa SC.
Kasabay nito, nagpalabas na ng hold departure order si Immigration Commissioner Andrea Domingo laban kay Jimenez para mapigilan itong makalabas ng bansa. (Ulat nina Gemma Amargo, Malou Escudero/Butch Quejada at Andi Garcia)