AFP, PNP itinanggi ang destabilisasyon

Kapwa itinanggi kahapon ng AFP at PNP na may mga opisyal silang sangkot sa malawakang planong destabilisasyon ng mga kalaban ng pamahalaan matapos na ihayag ito ni People’s Consultative Assembly (PCA) chairperson Linda Montayre.

Itinanggi ni AFP Chief Benjamin Defensor ang kumalat na sulat ng grupong "Kasundalohan" na kumakatawan sa mga Sergeant Majors ng mga reserve military men ng AFP dahil sa kawalan ng lagda nito.

Nakasaad sa naturang liham ang pagkadismaya umano ng mga reservists sa uri ng pamamalakad ni Pangulong Arroyo sa pamahalaan na inihahalintulad sa batas militar na hindi nga lamang diretsang idinedeklara.

Kasabay nito, hinamon din ni PNP Chief Hermogenes Ebdane ang grupong nais magsagawa ng destabilisasyon na lumantad at magpakilala.

Nanatili umano ang suporta ng kapulisan sa Pangulo kaya wala silang nakikitang problema ukol sa destabilisasyon.

Matagal na umanong isyu ang "coup plot" laban sa administrasyon mula sa mga unang buwan pa lamang ng pag-upo ng Pangulo kaya hindi na itinuturing na bago ito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments