Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Secretary Leonardo Montemayor na nagsasagawa na ang kanyang tanggapan ng pormal na konsultasyon sa Geneva, Switzerland at kung anuman ang kahihinatnan nito, ang Pilipinas ay handang magsampa ng kaukulang aksiyon laban sa Australia.
Ayon kay Montemayor, nananatili ang desisyon ng Pilipinas na huwag mag-spray sa mga pinya ng methyl bromide at maalis ang korona nito, bagay na gustong mangyari ng Australia kaya ayaw nilang tanggapin ang pinya ng Pilipinas.
"Mabilis na mabubulok ang ating lokal na pinya kung iispreyan natin at pangit naman tingnan kung aalisin natin ang korona ng pinya, hindi rin maaaring magamit ang methyl bromide dahil ozone depleting substance ito na ipinagbabawal ng Pilipinas na makapasok sa ating bansa," pahayag ni Montemayor.
Kamakailan ay hindi na pinayagan ng Australia na makapasok sa kanilang bansa ang produktong pinya ng Pilipinas dahil ayaw tanggalin ang korona nito at di paggamit ng methyl bromide dahil sa pangambang may pesteng dala ang dahon nito na maaaring makaapekto sa iba nilang produktong prutas.
Ang Sri Lanka at Thailand ay nagsampa na rin ng parehong kaso laban sa Australia. (Ulat ni Angie dela Cruz)