Ito ang inamin kahapon ni SPO2 Vicente Amistad sa pagpapatuloy ng plunder trial sa Special Division ng Sandiganbayan.
Ayon kay Amistad, hindi niya alam na jueteng payola ang kanyang kinokolekta at para ito kay Estrada. Inuutusan umano siya ni Singson na kumuha ng pera kina Rodolfo "Bong" Pineda at dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada.
Dalawang beses siyang kumuha ng pera sa tahanan ni Pineda sa Albany st., Northeast Greenhills, San Juan noong 1999 na may kabuuang halaga na P12.75 milyon samantala P3.25 milyon naman noong 2000.
Ang kapatid umano ni Pineda na nagngangalang Romy ang nag-aabot sa pulis ng pera tuwing kumokolekta siya.
Noong 1999 naman umano ay inutusan siya ni Singson na kumolekta kay Jinggoy sa municipal hall ng San Juan. Sumaludo pa umano si Amistad sa noon ay alkalde nang iabot ng security aide nito ang pera sa kanya.
Subalit namura pa umano siya ni Singson nang dumating sa Luis Chavit Singson (LCS) building sa Maynila dahil sa halip na P1 milyon ay P899,000 lang ang ibinigay sa kanya ni Jinggoy.
Kinabukasan ay saka lamang niya nakuha ang balanseng P101,000.
Pang-29 testigo ng prosekusyon si Amistad na naging pulis noong Sept. 16, 1982 at naging escort ni Singson noong 1989.
Nang tanungin ng korte kung handa ang pulis na mamatay para kay Singson ay nahalata ang pag-aalinlangan nito sa pagsagot saka tatawa-tawang sinabing handa siyang isakripisyo ang sarili kung kinakailangan.
Bukod kay Amistad, nakatakda ring iharap ng prosekusyon ang iba pang empleyado ni Singson. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)