Indonesia hindi RP ang target ng terorismo - PNP

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na ang bansang Indonesia ang target ng terorismo at hindi ang Pilipinas matapos na ikanta ito sa isang interogasyon ng isang naarestong terorista kamakailan.

Sinabi ni PNP Directorate for Intelligence chief, Supt. Robert Delfin na nakabaling ngayon ang atensiyon ng Al-Qaeda network sa Indonesia dahil sa matinding paghihigpit ng Pilipinas.

Ligtas umano ang US Embassy dito sa bansa dahil sa mas nais na atakihin ng mga terorista ay ang embassy nito sa Indonesia.

Ipinaliwanag ni Delfin na ang naturang impormasyon ay base sa naging resulta ng tactical interrogation na isinagawa sa nadakip na Indonesian terrorist na ngayon ay nasa pangangalaga ng pulisya ng US.

Inihayag naman ni US Ambassador Francis Ricciardone na itinuturing pa rin niyang pinaka-relax ang embahada dito sa buong mundo dahil sa matinding seguridad na ibinibigay upang mabantayan ito.

Samantala, itinanggi rin nito na may eksklusibong selda ang sinumang mahuhuling miyembro ng Al-Qaeda sa Pilipinas. Tanging ang grupo lamang ni Al-Ghozi ang nanatili sa bansa dahil na rin sa koneksiyon nito sa Special Operations Group ng Moro Islamic Liberation Front. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments