Sa dalawang pahinang mosyon, hiniling ni Special Prosecutor II Humprey Monteroso sa Special Division na magpalabas ng subpoena laban kina Jemis Singson, messenger ng dating gobernador; Faustino Prudencio, driver at mga bodyguard na sina SPO2s Vicente Amistad at Frederico Artates at abogadong si Edward Ibera.
Sinabi ni Monteroso na ang lima ang magpapatunay sa testimonya nina Singson at ng kanyang personal na secretary na si Emma Lim.
Patutunayan umano ng mga bagong testigo na nag-deliver sila ng protection money mula sa jueteng kay Estrada.
Sa testimonya ni Lim, sinabi nito na kumolekta siya ng P5 milyon sa dalawang magkahiwalay na okasyon mula kay jueteng lord Rodolfo Bong Pineda sa tahanan nito sa East Greenhills, San Juan.
Sinabi din ni Lim na tatlong beses siyang kumolekta ng P1 milyon mula kay dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada sa opisina nito sa San Juan municipal hall.
Ipinahayag din ni Lim na siya ang nagdala sa Malacañang ng P5 milyon na personal na tinanggap ng secretary ng dating pangulo na si Malou Florendo. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)