Sinabi ni Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada, hindi dapat mahiya ang mga kongresistang nakakuha ng cash advance lalo na kung ginamit niya ito sa opisyal na biyahe.
Ang reaksiyon ni Lozada ay kaugnay sa lumabas na ulat ng Commission on Audit na umabot sa P30.364 milyon halaga ang unliquidated cash advances sa Kamara na karamihan ay pinakinabangan ng mga kongresista.
Nakapaloob ang nasabing unliquidated cash advances sa isinumiteng ulat ni Rustico Jimenez, State auditor V ng COA kay Speaker Jose de Venecia base sa financial position ng Kamara noong 2001.
Idinagdag ni Lozada na hindi lamang ang pangalan ng mga kongresista ang dapat ilantad kundi ang halaga ng kanilang cash advance at kung saan ito ginamit.
Dapat rin aniyang malantad kung sino ang mga congressmen na palaging nasa labas ng bansa gamit ang pondo ng Kamara.
Labag sa Section 89 ng Presidential Decree 1445, Section 79 ng General Accounting and Auditing Manual, Volume 1 at COA Circular No. 97-002 ang hindi pagli-liquidate ng mga cash advances at ang patuloy na pagkakaloob nito kahit hindi pa naisasaayos ang naunang pinansiyal na transaksiyon.
Sinabi naman ng liderato ng Kamara na ginamit ng mga kongresista sa trabahong may kinalaman sa lehislatura ang malaking bahagi ng nasabing P30.364 milyon cash advances. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)