Gobyerno hirap matukoy ang lehitimong tagapagmana ng Sultan ng Sulu

Nahihirapan ang pamahalaan na matukoy ang mga lehitimong tagapagmana ng Sultan ng Sulu na siyang sinasabing may-ari ng Sabah dahil sa pagdami ng mga kamag-anak na nagsusulputan para mag-angkin ng kabayaran sa sandaling tuluyan nang ibenta sa Malaysia ang Sabah.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Blas Ople, nagkaroon ng problema noong panahon ni dating pangulong Ramos na matukoy kung sino ang tunay na mga tagapagmana ng Sultan dahil ang sumipot noon sa ipinatawag na pulong ay mahigit isang libo katao.

Ang mga ito ay pansamantalang tumuloy sa Philippine Village Hotel na ginastusan ng pamahalaan para sa ipinatawag na pulong na ang layon ay makabuo ng isang posisyon sa isyu ng Sabah.

Sinabi ni Negros Rep. Apolinario Lozada na ang pulong ay nagkasundo sa pagtatalaga ng 9 na magsisilbing kinatawan ng bawat angkang nagpapakilalang tagapagmana ng Sultan ng Sulu.

Ang nais anya ng Malaysia ay magkaroon lang ng iisang kausap sa isyu ng Sabah para maayos na ang gusot dito na nakakaapekto sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia.

Sa dami ng nag-aangking kamag-anak ng orihinal na may-ari ng Sabah, sinabi ni Lozada na napagkasunduan noon na magtatag ng isang korprorasyon na ang 70% kapital ay magmumula sa Malaysia at 30% sa Pilipinas.

Ang lupon ng mga director ng panukalang korporasyon ay kabibilangan ng lahat na kinatawan ng nag-aangking angkan na tagapagmana ng Sultan ng Sulu.

Sinabi ni Lozada na ang panimulang hakbang na ito na napagkasunduan ng Pilipinas at Malaysia ay maaaring pagsimulan sa pagbuo ng isang kasunduan hinggil sa isyu ng Sabah sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments