Kaugnay nito, gagawa ng aksiyon si PAGCOR chief legal counsel Atty. Carlos Bautista para madismis ang incrimination charges na isinampa nina So at Llorente laban kina Casino Filipino-Parañaque senior branch manager Francisco Antonio, Operations Manager Pablo Mortel at Gaming Area Manager Ely Sy.
"Ang PAGCOR ang dapat na magsampa ng kaso laban kina So at Llorente dahil sa misrepresentation, estafa at paglabag sa casino rules," wika ni Atty. Bautista.
Base sa ginawang imbestigasyon, hindi nagpunta si Llorente sa CF-Parañaque noong gabi ng Agosto 14, 2002 kaya imposibleng napahiya umano ito katulad ng kanyang sinasabi. "Imposibleng makapag-present siya ng chip check na nagkakahalaga ng $50,000 kung wala siya doon. Practice na ng aming casino personnel na agad na i-encash ang anumang chip check na ipiniprisinta ng sinumang casino player," paliwanag pa ni Atty. Bautista.
Sangkot din si Llorente sa iba pang mga insidente tulad ng pananampal at pagsuntok sa mga casino personnel.
Sa kaso naman ni So, itinanggi ng PAGCOR na hiniya ang una sa harap ng maraming tao nang hindi ito makapagbayad ng kanyang utang na umaabot sa P5 milyon.
Sinabi ni Antonio na magalang na nilapitan si So ng gaming officer habang naglalaro noong hatinggabi ng Hulyo 29, 2002.
Dalawa sa mga tsekeng inisyu ni So na nagkakahalaga ng P2 at P3 milyon ay ibinalik ng China Bank del Monte Avenue, QC branch dahil sa kawalan ng sapat na pondo.