Dagdag sahod hirit sa panibagong oil price hike

Muling humiling nang P125 across-the-board wage increase ang militanteng grupo ng manggagawa para kontrahin at hindi nila masyadong maramdaman ang pinakahuling pagtataas sa presyo ng langis sa bansa.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ang pinakabagong oil price adjustment na ginawa ng Caltex ay inaasahang susundan ng Petron at Shell pati na rin ng mga bagong oil players.

Ayon kay KMU spokesman Sammy Malunes, ang karagdagang 49 sentimo kada litro sa presyo ng kerosene ay seryosng nakaapekto sa mga manggagawa at mahihirap na mamamayan, samantalang ang price adjustments naman sa diesel at gasoline ay nakaapekto sa mga jeepney drivers at operators.

Dahil dito, nangangailangan umano ang mga pinakamahihirap na sektor ng lipunan nang agarang dagdag sa sahod para makaagapay sa inaasahang pagtaas rin sa mga pangunahing bilihin sa hinaharap. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments