Sa kanyang press conference kahapon, inihayag ni Press Secretary Ignacio Bunye na nahirapan ang Pangulo sa pamimili ng makakapalit ni Cimatu sa dahilang halos pare-pareho daw ang kuwalipikasyon ng lima pang nakalaban ni Defensor.
Wala anyang tulak kabigin ang Presidente kung kuwalipikasyon ang pag-uusapan subalit nagkatalo lang anya sa "seniority."
Si Defensor ang most senior sa mga naglabang nominado sa puwesto na kinabibilangan nina AFP Deputy Chief of Staff, Lt. Gen. Narciso Abaya, AFP Vice Chief of Staff Gregorio Camiling, Southcom Chief Lt. Gen. Ernesto Carolina, Army Chief Dionisio Santiago at Navy Chief Victoriano Hingco.
Idiniin ni Bunye na walang bahid pulitika ang pagkakapili ng Pangulo kay Defensor at nagkataon nga lang na kapatid ito ni dating Senador Miriam Defensor-Santiago.
Sinabi ni Bunye na bago gumawa ng desisyon ang Pangulo, nakipagkonsultasyon siya sa matataas na pinuno ng AFP kaya walang basehan ang balitang magkakaroon ng demoralisasyon sa hanay ng mga sundalo ang pagtatalaga ng isang chief of staff na may maikling panahon lamang sa serbisyo.
Si Defensor ay nakatakdang magretiro sa Setyembre 12 subalit pinalawig ito ng Pangulo nang hanggang Nob. 18, 2002.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Bunye kung seniority pa rin ang magiging basehan ng Pangulo sa pagpili ng makakapalit ni Defensor sa sandaling magretiro na ito sa Nobyembre 18. (Ulat ni Lilia Tolentino)