Ayon sa report, inalok ng mga Pilipinang ito ang ilang Malaysian police ng sex, kapalit lamang ng pagkaing pamatid ng gutom.
Mariing pinabulaanan ng Malaysian government na ginahasa ng mga police na nagbabantay sa mga deportees ang ilan sa mga kababaihan.
Hinamon pa ng Malaysia ang Pilipinas na maglitaw ng ebidensiya kaugnay nito at nang iba pang pagmamaltrato.
Ang pahayag ay ginawa ng mga kinatawan ng gobyernong Malaysia sa isang delegasyong isinugo ni Presidente Arroyo sa Sabah upang siyasatin ang mga napabalitang kaso ng pang-aabuso.
Ayon kay Presidential Adviser on Muslim Affairs Nur Jaafar, tiniyak ng Malaysia na aaksiyon ito kung may maihaharap na ebidensiya ang Pilipinas.
Sinabi ni Jaafar na wala ring Pilipinong nagreklamo sa kanya hinggil sa "rape" sa kanyang pagdalaw sa kanilang kinaroroonan.
Nagmatigas naman ang mga Malaysian na hindi nila minaltrato ang mga Pilipino.
Taliwas ito sa ibinulgar ng mga deportee na pinaghuhubad, pinag-squat at pinagpapasa-pasahan umanong parausan ng mga bantay na Malaysian police ang mga kababaihang deportees na nakakulong.
Bukod sa hindi umano sila pinapakain, karamihan sa kanila ay nakaranas ng pananakit at pagmumura. Tinawag din umano silang mga hayop at tinatratong hayop.
Sabi naman ng ilang deportee, kapit sa patalim na ang ginawang pagpapagamit ng ilang kababaihang Pinay kapalit ng konting pagkain at sigarilyo.
Dumidiskarte umano ang ibang kababaihang deportee sa pamamagitan ng pagpapabayad para makakain.
Nabatid na dalawa na sa reklamo ang nakarating sa tanggapan ng Public Attorneys Office (PAO). (Ulat ni Ely Saludar)