Sa isang panayam, sinabi ni Medardo Roda, pangulo ng PISTON, hihingi sila ng 50 sentimos na dagdag sa pasahe sa LTFRB para hindi naman mamulubi ang maliliit na mga driver sa bansa.
"Hindi na talaga namin makakayanan ang pagtataas na ito sa halaga ng krudo. Ang hakbang na ito ay malamang na magdulot ng taas sa halaga ng mga bilihin at kapag nangyari ito, dobleng epekto ito sa aming pang-araw-araw na buhay," ani Roda.
Mula umano noong March 20, 2002 umabot sa 12 sentimo ang naitaas sa halaga ng krudo. Kung idaragdag aniya ang 39 centavos na taas sa halaga ng krudo, aabutin na anya ng 51 centavos. Ito umano ay hindi na nila mapapalampas.
Magkagayunman, sinabi ni Roda na hindi naman sila magsasagawa ng anumang protesta o pagtigil sa pamamasada dahil sa naganap na panibagong oil price hike. (Ulat ni Angie dela Cruz)