Pauwi na mula sa San Francisco nang harangin ng isang screener na Fil-Am si Drilon. Nagpakilala itong presidente ng Senado sa Pilipinas at ikatlong pinakamataas na tao sa bansa pero pinaghubad pa rin siya ng sapatos.
Ani Drilon, posibleng Fil-Am ang nasabing airport screener dahil matapos siyang maasar dito ay sinabihan niya ito ng "mayabang" pero nag-Tagalog ang screener at sumagot ng "hindi ako mayabang."
Nakatakdang maghain ng diplomatic protest si Drilon hindi dahil sa kahihiyan kundi para bigyan ng leksiyon ang inasal ng naturang immigration official.
"Konting respeto lang ang hinihingi ko dahil may dala naman akong diplomatic passport. Siguro naman ay hindi papayag si US Ambassador Francis Ricciardone na paghubarin din natin siya ng sapatos kapag dumating sa ating airport bilang SOP sa sinumang dumadating sa bansa?" wika ni Drilon.
Susuportahan naman ng Malacañang ang pagsasampa ng diplomatic protest ni Drilon.
Humingi na ng paumanhin sa abalang naidulot kay Drilon si Ronald Post, counselor for public affairs ng US Embassy sa bansa, pero ipinagtanggol ang random security na ginagawa ng Amerika.
Binigyang diin ni Port na lahat ng diplomats ng ibang bansa at maging ng European Countries ay sumasailalim sa ganitong paghihigpit dahil na rin sa naganap na September 11 attack.
Ayon naman kay DFA Undersec. for Administration Franklin Ebdalin, karapatan ng mga immigration officials sa nasabing bansa na ipatupad ang kanilang trabaho ngunit kailangan pa rin anyang bigyan ng kaukulang respeto si Drilon. (Ulat nina Lordeth Bonilla/Rudy Andal)