Isang malakas na sampal at dalawang malalakas na suntok ang pinadapo ng mga kamao ni Pasig City Mayor Soledad Eusebio laban sa serial rapist suspek na kinilalang si John Henry Robles, nasa hustong gulang, residente ng Pasig City.
Nabatid kahapon sa isang staff ni Mayor Eusebio na tumangging mapabanggit ng pangalan, nangyari ang insidente kamakailan matapos iprisinta ng Pasig City police kay Eusebio ang nasabing suspek.
Sa isinagawang interogasyon ay inamin ng suspek sa harapan ni Eusebio na nakipag-sex umano siya sa kanyang mga pamangking babae na nagkakaedad 12 hanggang 14 anyos.
Di pa nakuntento ay ginahasa rin ng suspek ang isa nitong inaanak na babae na kalaro naman ng kanyang mga pamangkin.
Nairita umano ang naturang lady mayor sa ginawang kalapastanganan ng suspek sa limang menor de edad na biktima na halos magkakasunod nitong ginahasa.
Ditoy nagpanting umano ang alkalde at sinampal ang suspek na sinundan pa ng dalawang suntok sa tiyan bago ito tuluyang ipinabalik sa kulungan upang harapin ang paglilitis sa kanyang kasong 5 counts of statutory rape na isinampa sa Pasig City Prosecutors Office.
"She (Eusebio) was fuming mad at Robles who has the gall to admit having sex with his nieces," sabi ng naturang empleyado ng Pasig City Hall.
Dinepensahan naman ng source si Eusebio sa pagsasabing mabait ang kanyang boss at kung nagawa man nitong sampalin at suntukin ang suspek ay dahilan sa pakikisimpatiya sa limang biktima nito.
Idinagdag pa nito na mahigpit ang kampanya ni Eusebio laban sa mga heinous crime sa lungsod ng Pasig gaya ng rape. (Ulat ni Joy Cantos)