Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, sinabi ng Pangulo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang lutasin ang problemang ito pero sa kasalukuyang kalagayang pinansiyal ng gobyerno ay hindi nito kakayaning mabigyan ng kailangang tulong ang mga pinababalik na kababayan sa Sabah kung walang tulong na magmumula sa pribadong sektor.
Nagpahayag naman ng pagkalugod ang Pangulo dahil marami nang tumugon sa kanyang naunang panawagan para matulungan ang mga Pinoy sa Sabah.
Ang Cebu Pacific ay handang magpadala ng eroplano at barko naman sa WG&A para sunduin ang mga deportees, samantala ang Mead Johnson ay magpapadala ng gatas habang ang Metro Bank ay magbibigay ng tulong na P2 milyon.
Maaaring ipadala ang tulong sa National Disaster Coordinating Council sa kani-kanilang lugar.
Samantala, umalis na kahapon ang 11 miyembro ng special team na pinamumunuan ni Presidential Adviser on Mindanao Concerns Nur Jaafar na sinugo ng Pangulo patungong Kota Kinabalu upang personal na alamin ang tunay na kalagayan ng mga Pinoy deportees na pawang mga undocumented at overstaying.
Nakatakdang makipagpulong ang grupo ni Jaafar sa kanilang Malaysian counterparts kung saan tatalakayin ang maayos na pagpapadeport ng mga Filipino at para imbestigahan ang mga naiulat na pagmamalupit ng Malaysian police sa mahigit 350,000 deportees sa Sabah. (Ulat nina Lilia Tolentino/Butch Quejada)