Naniniwala ang mga Muslim leaders na nararapat lamang na italaga sa nasabing puwesto si Camiling dahil sa pagiging mahusay, professional at sa pagiging dedicated officer sa mahabang panahon.
Sa kanilang liham kay Pangulong Arroyo, iginiit ng mga lider na simula pa noong manungkulan si Camiling bilang commander ng 6th Infantry Division, napatunayan na ang pagiging epektibong pinuno nito at matagumpay na naitaguyod ang political, religious at traditional leaders ng mga Muslim sa nasabing lalawigan.
Ang mga lider ay pinangungunahan nina Muslimin Sema, city mayor at chairman, board of director ng SPDA, chairman, RDC XII Datu Zacaria Candao, chairman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARRM), Ibrahim Ibay, DMS speaker.
Naniniwala ang mga ito na dahilan na rin sa karanasan ni Camiling sa Mindanao ay magiging maayos na ang Central Mindanao sakaling hirangin ito bilang kapalit ng magreretirong si AFP Chief Gen. Roy Cimatu.
Ayon naman kay Cong. Prospero Pichay, maituturing na isang "fine officer" si Camiling na nararapat lamang italaga kapalit ni Cimatu.
Gayunman, ipapaubaya pa rin niya kay Pangulong Arroyo ang magiging desisyon para sa itatalagang bagong AFP chief. (Ulat ni Rudy Andal)