Ang pagkakapatay kay Faisal Marohombsar ay nagbigay wakas sa paghahanap sa kanya ng mga awtoridad mula nang ito ay mahiwagang nakatakas sa binuwag na National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) detention center noong Hunyo 19 ng kasalukuyang taon kasama ang dalawang iba pa na sina Abdul Macaumbang at Roland Patinio.
Kasama sa operasyon ng PACER ang mga tauhan ng NCRPO, CIDG Region 4 at Anti-Crime Task Force ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang grupo ni Marohombsar ay tinutugis ng magkakasanib na tauhan ng PNP at AFP dahil sa pagkidnap sa 4-taong gulang na si Patricia Chong at ang yayang si Winena Jordan noong Agosto 19 sa Alabang, Muntinlupa.
Nasugatan sa engkuwentro si Technical Sgt. Willie Madayag ng AFP na agad dinala sa Naic Doctors Hospital.
Naaresto rin sa engkuwentro ang dalawang tauhan ni Marohombsar na sina PO2 Armando Ayson ng Magallanes PNP at Jimmy Lumabad habang tinutugis pa ang ilang kasamahan ng una.
Batay sa ulat,dakong alas-5:30 ng umaga ng maganap ang engkuwentro sa nasabing lugar matapos matunton ng mga awtoridad ang pinagtataguan nina Marohombsar sa tulong ng mga residente na nagbigay ng impormasyon.
Magugunita na itinuring ng Pangulong Arroyo na isang terorista si Marohombsar sa talumpati nito sa isang okasyon sa Marawi City.
Ilang beses na ring nakuryente ang Pangulo sa pagsasabi nito sa publiko na susuko na ang napatay na Pentagon leader.
Subalit hindi tinutupad ni Marohombsar ang kanyang pangako dahil sa tinanggihan ng Malacañang ang mga kundisyon nito sa pagsuko tulad ng pag-urong ng demanda laban sa kanya.
Personal na nagtungo kahapon si Pangulong Arroyo sa bayang ito para batiin ang mga magkakasanib na grupo na nagpursige para iligtas ang dalawang biktima ng pangingidnap at pinagkalooban din nito ng pinansiyal na tulong ang nasugatang si Madayag.(Ulat nina Lilia Tolentino, Mading Sarmiento,Cristina G. Timbang)