Bañez di ligtas sa imbestigasyon

Hindi pa rin ligtas sa imbestigasyon si dating Bureau of Internal Revenue (BIR) commissioner Rene Bañez kahit nagbitiw na ito sa puwesto.

Ito ang sinabi kahapon ni Deputy Speaker Raul Gonzales kaugnay sa sinabi ni Bañez na bumaba ang koleksiyon sa buwis dahil sa ilang corrupt na tax collectors. Sinabi ni Gonzalez na hindi maaaring basta na lamang mawala sa paningin ng publiko si Bañez dahil dapat pa nitong pangalanan ang mga sinasabi niyang nanabotahe sa koleksiyon ng buwis.

Masyado aniyang seryoso ang ipinahayag ng dating BIR chief lalo na ngayon na dumaranas ang bansa ng napakababang tax revenue collection na maaaring makasama sa economic reforms na ipinatutupad ng pamahalaan. Maaari aniyang talagang nagbitiw si Bañez upang hindi ito mapilit na ihayag kung sinu-sino ang mga nanabotahe sa koleksiyon ng buwis.

Samantala, nasaktan ang mga empleyado ng BIR sa akusasyon ni Bañez na sinasabotahe ito ng mga taga-ahensiya para bumaba ang koleksiyon ng ahensiya. Sinabi ni BIR assistant commissioner Percibal Salazar, lider ng BIR employees union, masyadong sweeping at walang sinisino ang naging pahayag ni Bañez kasabay ng pagre-resign nito kamakalawa.

Dapat ay tiningnan umano ni Bañez ang mga factors na maaaring dahilan ng pagbagsak ng koleksiyon.

Nilinaw ni Salazar na tanging ang ayaw lamang nila kay Bañez ay ang ginawa nitong pagsusulong para maisabatas ang Internal Revenue Management Authority (IRMA) na walang sapat na proteksiyon ang mga empleyado ng ahensiya na maapektuhan ng hakbang. Wala umano sa probisyon ng IRMA na magbibigay ito ng magandang separation benefits sa mga maapektuhan kundi ang matatanggap lamang ay ang itinakda na benepisyo ng mga kasalukuyang batas. (Ulat nina Malou Escudero/Angie dela Cruz)

Show comments