P6-M sa ulo ng kongresista!

Patuloy na nangangamba sa kanyang buhay si Compostela Valley Rep. Manuel ‘‘Way Kurat’’ Zamora dahil sa P6 na milyon na ‘‘nakapatong’’ sa kanyang ulo.

Kinumpirma ni Zamora na patuloy pa rin ang ginagawa niyang pag-iingat dahil sa laki nang ibinayad ng gustong magpapatay sa kanya at posibleng matulad siya sa mga mambabatas na pinaslang ng mga bayarang mamamatay tao.

Ayon kay Zamora, ang isa sa anim na hired killers ang mismong tumawag sa kanya at nagbigay ng detalye sa planong assassination kamakailan lang.

Nakilala ng congressman ang nasabing hired killer sa pamamagitan ng ibinigay nitong pangalan. Subalit nakiusap si Zamora na huwag ilathala ang pangalan ng hired killer bilang proteksiyon na rin dito.

Itinuturing ng kongresista na isang malaking utang sa loob ang pagbibigay ng impormasyon ng hired killer dahil nagawa niyang mag-ingat at kumuha ng mga body guards.

Sinabi umano nang tumawag na hired killer na natulungan ni Zamora ang kanyang nanay kaya hindi nito kayang makipagsabwatan sa pagpatay sa kongresista.

Isang milyon umano ang ginagamit na mobilization fund ng mga hired killers at mahigpit nilang binabantayan ang kilos ni Zamora lalo na kapag ito ay nasa Maynila.

Ayon pa kay Zamora alam ng mga hired killers pati numero ng kanyang telepono.

‘‘Minsan nasa sabungan ako dito sa aming probinsiya, tumawag ang kaibigan ko, sinabi kung saan ako nakatayo, at pinayuhan akong umalis agad dahil mayroon daw dalawang ‘spotter’,’’ pahayag ng solon.

Ang death threat ni Zamora ay may kinalaman umano sa pagtutol nito sa pagmimina sa Mt. Diwalwal dahil na rin sa idinudulot nitong polusyon sa kanilang lalawigan.

Inamin din nito na hindi na niya nagagamit ang kanyang bisekleta sa pagpasok sa Batasan dahil na rin sa banta sa kanyang buhay.

Ayaw umano niyang mangyari sa kanya ang sinapit ni Masbate Rep. Tito Espinosa na pinaslang na may malapit sa Batasan noong Pebrero 1995 ng mga hired killers. Samantalang ang nakakatanda nitong kapatid na si Rep. Moises Espinosa ay napatay naman sa Masbate.

Show comments