Ito ang tiniyak kahapon ni Justice Secretary Hernando Perez kasabay ng pagsasabing hindi siya natatakot sa kongresista dahil malakas umano ang kanilang ebidensiya laban kay Jimenez kaya walang dahilan para matalo sila sa kanilang kaso sa Korte Suprema.
Ayon kay Perez, wala silang anumang kasunduan ni Jimenez para hindi matuloy ang extradition nito, subalit itinanggi ng una na may mga nakatagong video ang huli na sinasabi nitong kanyang alas sa oras na ang kalihim ay gipitin ng kongresista.
Naniniwala naman si Perez na magpapalabas ng desisyon ang Korte Suprema na pabor sa DOJ at tuluyang magbibigay ng karapatan sa Amerika na kunin si Jimenez para litisin.
Matatandaang naghain ng extradition request sa pamahalaang Pilipinas ang US-DOJ upang agad na mapabalik sa kanilang bansa si Jimenez na may nakatambak na mga kasong kriminal kabilang dito ang tax evasion, iligal na pagbibigay ng kontribusyon sa Democrat Party ni dating US President Bill Clinton at wire fraud sa mga taong naloko umano nito sa ibang bansa.
Subalit naharang ni Jimenez ang nasabing extradition matapos na payagan ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Guillermo Purganan na makapagpiyansa ito sa naturang kaso sa halagang P1 milyon kapalit ng pansamantala nitong kalayaan.
Dahilan dito kung kayat umakyat ang DOJ sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang desisyon ni Judge Purganan dahil malinaw na pag-abuso umano nito sa kanyang tungkulin. (Ulat ni Gemma Amargo)