Kasong illegal possession of firearms vs Rep. Satur Ocampo, binuhay

Harassment!

Ito ang isinigaw kahapon ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, dating spokesman ng National Democratic Front (NDF) kaugnay sa kanyang kasong illegal possession of firearms na biglang binuhay sa Makati Regional Trial Court (RTC).

Bagaman at wala pa siyang balita sa isa niyang kasong kidnapping na nakabinbin sa Quezon City Trial Court kung bubuhayin din ito, sinabi ni Ocampo na pansamantala lamang siyang nakakalaya sa kasong illegal possession of firearms dahil sa tinatawag na "on court recognizance" na ginarantiyahan nina dating senador Wigberto Tañada at Makati Rep. Butch Aquino.

Matindi ang hinala ni Ocampo na ang pagbuhay sa nasabing kaso ay bahagi ng harassment sa mga dating lider ng underground movement katulad ng ginagawa umano ngayon kay NDF consultant Jose Maria Sison.

Naganap ang nasabing kaso noon pang 1989 kung saan kinuwestiyon niya sa korte ang ginamit na search warrant.

Kinatigan ng unang judge na humawak sa kaso na invalid ang search warrant kaya hindi maaaring gamitin bilang ebidensiya ang dalawang baril, isang kalibre .45 at isang .38 na diumano’y nakuha sa kanyang tinutuluyang kuwarto.

Inapela ng prosecution sa Court of Appeals ang ginawang pagbasura sa kaso, subalit pinagtibay din ng CA ang desisyon ng Makati RTC.

Dahil sa unang dinesisyunan ng korte ang pagkuwestiyon ni Ocampo sa search warrant, hindi nagkaroon ng arraignment sa kaso at inilagay na lamang umano ito sa archive sa loob ng mahabang panahon.

Base sa paliwanag ni Judge Rebecca Mariano, kasalukuyang humahawak ng kaso ni Ocampo, ni-review umano ng una ang mga pending case sa Makati RTC at isa sa mga nabuklat ay ang matagal ng kaso ng kongresista.

"Tinatanggap ko naman ang paliwanag ni Judge Mariano, na inaalis niya ang backlog sa mga kaso, pero may hinala pa rin kami na sinadya ito," ani Ocampo.

Apat na beses nang na-reset ang arraignment sa kaso ni Ocampo simula nang buhayin ito, at sa pinakahuling notice na natanggap ng kongresista, gagawin ito sa Agosto 23. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments