Personal na nagtungo ang Pangulo sa DOJ upang pangasiwaan ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines laban kay Judge Arnulfo Cabredo ng Regional Trial Court ng Tabaco, Albay
Si Cabredo ay nakipagsabwatan umano sa pamamagitan ng pagpapalabas ng temporary restraining order upang hindi mapigil ng Bureau of Customs ang mga may 35,000 sako ng bigas na kanilang nakumpiska.
Kasama ni Cabredo na kinasuhan si Atty. Marcial Lopez, dating district collector ng Pier ng Albay na siya umanong tumulong sa mga rice smugglers na sina Antonio Chua at Carlos Carillon upang mailabas ang may 35,000 sako ng bigas sa pier ng Tabaco, Albay kaya kakasuhan rin ito ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, dalawa pang judge ang kinasuhan ng paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nagpabaya umano sa tungkulin si Judge Pedro de Leon Gutierrez ng Pasay RTC branch 119 matapos nitong ipawalang-saysay sa kabila ng matibay na ebidensiya ang 986.35 gramo ng shabu na nakumpiska noong Agosto 29, 2001.
Si Judge Rodrigo Lorenzo ng Pasig RTC branch 166 ay kinasuhan din matapos iutos noong Aosto 15, 2002 na makapag-piyansa ng tig-P50,000 ang mga Chinese na naaresto sa paggawa ng may 13,978 gramo ng shabu.
Sinampahan din ng kaso ang mga piskal na sina Constancio Velasco, (Manila); Apolinar Quetulio Jr. (Parañaque City); Romulo Gorico (Capiz); Victor dela Cruz (San Fernando City, La Union).
Ang mga naturang piskal ay sinampahan ng kasong pangongotong maliban kay dela Cruz na kinasuhan ng sexual harassment, samantala si Corpuz ay sa kapabayaan sa kaso ng kidnap victim na si Grace Rowena Tiu. (Ulat ni Gemma Amargo)