Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong plunder sa Sandiganbayan Special Division, pinangalanan ni Singson si Jinggoy kasama ang walo pang kolektor na sina Romy Lahara, Mayor Arman Sanchez ng Batangas, Bong Pineda, Charing Magbuhos, Romy Pamatpat, Celso delos Santos, Jessie Viceo at ang kapatid niyang si Bonito.
Subalit sinabi ni Singson na wala sa ledger ang mga pangalan dahil iniutos umano ni Estrada na huwag nang ilagay ang mga ito.
Sinabi pa ni Singson na mahilig magsugal si Jinggoy at paborito nitong laro ang pusoy dos. Ginagamit din umano nito ang kanyang opisina sa San Juan sa pagsusugal ng pusoy dos.
Kaugnay nito, kasalukuyang pinag-aaralan ng prosekusyon ang pagsasampa ng panibagong kaso laban sa mga nabanggit na jueteng operators.
Inamin din ni Singson ang talamak na jueteng operations sa kanyang lalawigan kung saan 34 bayan doon ang may operasyon.
Apat na bulubunduking lugar lamang aniya sa Ilocos Sur ang ligtas sa operasyon ng jueteng.
Gayunman, itinanggi ni Singson na may kakilala siyang jueteng operator dahil hindi naman umano kasama sa kanyang trabaho ang alamin pa ito.
Samantala, ibinasura na ng special division ang mosyon ng panig ng mga Estrada na i-disqualify si assistant Ombudsman Dennis Villa Ignacio. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)