Base sa kautusang ipinalabas ni Justice Secretary Hernando Perez, pinasasampahan nila ng kasong pagpapabaya sa kanyang tungkulin, inefficiency at incompetence laban kay La Union Provincial Prosecutor Oscar Corpuz.
Si Corpuz ang piskal na binanggit ni Pangulong Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na dapat masampahan ng kasong kriminal at administratibo dahil sa pagpayag nitong maging accessory lamang ang isa sa mga Chinese nationals na dumukot kay Jackie Rowena Tiu.
Nagalit ang Pangulo sa naturang desisyon ni Corpuz kaya inatasan nito si Perez na kumilos at sampahan ng kaukulang kaso ang naturang piskal subalit lumabas sa pag-aaral ni Assistant Chief State Prosecutor Nilo Mariano na mayroong basehan para isampa ang kasong administratibo laban dito.
Nabatid na si Tiu na may-ari ng isang hardware sa lalawigan ng La Union ay dinukot ng walong Intsik na nakabase sa mainland China at sa tulong ng binuwag na National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) ay nadakip ang mga suspek.
Samantala, inatasan naman ni Perez si Corpuz na magsumite ng kanyang paliwanag sa loob ng sampung araw hinggil sa kasong administratibo ng kanyang kinakaharap upang mabigyan siya ng pagkakataon ng DOJ na ihain ang kanyang depensa.
Subalit sa oras na mapatunayang nagkasala o nagkamali si Corpuz ay posibleng masuspinde ito sa puwesto o tuluyang sibakin sa pagiging piskal ng DOJ. (Ulat ni Gemma Amargo)