Ang Pinay ay nakilalang si Juliet Visitacion, isang missionary na nagtamo ng malalalim na sugat sa braso.
Bagamat ligtas na sa panganib si Visitacion, patuloy na binabantayan ito ng mga awtoridad dahil sa umanoy nasaksihan nito kung paano lumusob ang mga armadong kalalakihan.
Nakatakdang kuhaan ng salaysay si Visitacion ng mga awtoridad para magkaroon ng lead ukol sa mga suspek na sumalakay sa Murree Christian School.
Nagtungo sa paaralan si Visitacion para sunduin ang kanyang nag-aaral na anak.
Ayon sa report, dakong alas-11:15 ng umaga nang umatake ang may apat hanggang limang kalalakihan na armado ng AK-47 sa nasabing eskwelahan.
Bigla na lamang na pinaulanan ng mga suspek ang eskwelahan habang nagkaklase ang may 150 estudyante kung saan 30 dito ay American national at ibang banyaga kabilang ang anak ni Visitacion na sina Jenny Grace,14 at Doane Jay,18.
Nakipagpalitan ng putok ang mga security personnel ng eskwelahan at dito ay napatay ang anim na katao kabilang ang staff at security guard.
Matapos ang labing-limang minutong palitan ng putok ay mabilis na tumakas ang mga suspek sa isang masukal na kagubatan malapit sa eskwelahan. (Ulat ni Ellen Fernando)