Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh sa Department of Foreign Affairs, kinilala ang mga OFWs na sina Joselito Alejo, Romeo Cordova at Ramiro Esmero.
Ang mga nabanggit na manggagawang Pilipino ay pawang inakusahan sa pagpatay sa isang miyembro ng Saudi police noong 1997.
Mula sa isang source sa Malaz Central Jail sa Riyadh, inabsuwelto ang tatlo matapos na mabigong dumalo ang mga kinatawan ng biktima na nakilalang si Fahad Al-Otaibi sa itinakdang mga pagdinig sa korte.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Blas Ople, ang tatlong OFWs ay inaresto at ikinulong ng Saudi police noong Agosto 1997 matapos na iturong pumaslang sa nasabing Saudi national.
Itinuro umano ni Alejo si Esmero na siyang pumatay kay Al-Otaibi dahil sa paniniwala nito na nakauwi na sa Pilipinas si Esmero habang si Cordova ang nagsilbing kasabwat sa krimen.
Gayunman, pinabulaanan ni Esmero ang akusasyon at nanatili ang kanyang paninindigan na siya ay inosente.
Hinihintay na lamang ng Malaz Central Jail ang kautusan ng korte na palayain ang tatlong Pinoy bago nila tuluyang pakawalan ang mga ito.
Sinabi naman ni Poe Gratela, secretary general ng Migrante International na ang tatlong nakaligtas na OFWs sa parusang bitay ay kabilang sa 46 Pilipinong nasa death row sa Saudi. (Ulat ni Ellen Fernando)