Sa pahayag ng dalawang testigo na sina ex-Phil. Constabulary Major Pedro Pates Jr. at isang nagngangalang Nilo Gonzaga, sinabi ng mga ito na totoo ang naunang mga pahayag ni Medel na siya ang pumaslang kay Blanca at may kinalaman din umano sina General Galileo Kintanar, dating hepe ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at isang Col. Benny Letrondo, retiradong miyembro ng Phil. Army sa pagsasagawa ng "damage control" sa tunay na mga sangkot sa pagpatay sa aktres.
Sinabi ng mga ito na parte ng naturang pagmamanipula ng imbestigasyon ang pag-amin sa pagpatay at pagbawi sa kanyang testimonya ni Medel sa krimen upang mapigilan na mahalungkat ang pagkakadawit ng mga opisyal na tunay na nasa likod ng krimen na naganap noong Nobyembre 2, 2001 sa Atlanta towers sa Greenhills, San Juan.
Sinabi ni Pates na kasama siya ni Gonzaga ng pumunta sila sa bahay ni Kintanar kung saan kanyang narinig na nag-iisip umano ang grupo nina Kintanar ng isasagawang damage control.
Naganap umano ang naturang meeting ilang araw bago bawiin ni Medel ang kanyang salaysay sa DOJ.
Sinabi pa ni Pates na minsan siyang dinalaw ni Medel sa kanyang inuupahang apartment sa #9-3 Kamias road Kamuning, QC noong Nobyembre 6, 2001 kung saan tinanong siya nito kung may kakilalang hired killer.
Binanggit din umano sa kanila ni Medel ang plano umanong pagpaslang sa isang showbiz personality na ang kapalit ay malaking halaga.
Samantalang sinabi naman ni Gonzaga na siya ang pinaghahanap ni Medel ng hired killer para sa naturang trabaho. Sinabihan pa umano siya nito na sumama sa surveillance operation ng grupo para sa kanilang target.
Inamin pa ni Gonzaga na madalas niyang marinig si Medel na may kausap sa telepono at sinasabing "Hi Rod" at madalas rin umanong makita sina Medel at Rod Strunk na magkasamang nagkakasayahan sa videoke bar.
Nakatakdang ipatawag ng PNP-CIDG ang dalawang nabanggit na dating opisyal upang linawin ang pagkakasangkot sa kanila. (Ulat ni Danilo Garcia)