Sinabi ng East Asia Diesel Power Corporation (EADPC) at Duracom Mobile Power Corporation (DMPC), walang basehan ang naging alegasyon ng Napocor Employees and Workers Union, Napocor Employees Consolidated Union at Executives Association na mayroong conflict of interest si Alcordo dahil sa pagiging part owner ng 2 power firm gayung pangulo na ito ng Napocor.
Ayon kay Augusto Villareal, chief operating officer II at Ildebrando Ambrosio, corporate legal counsel ng EADPC at DMPC, nagbitiw bilang miyembro ng board ng 2 kumpanya si Alcordo noong January 2001 bago ito naging pangulo ng Napocor.
Anila, isang malaking pagkakamali ang binibitiwang akusasyon ng mga unyon hindi lamang kay Alcordo kundi maging sa imahe ng 2 power provider ng Napocor at mayroon silang hawak na legal na dokumento kaugnay nito.
Wika pa nina Villareal at Ambrosio, mayroong certificate of completion noong August 17, 1994 na nilagdaan pa ni Napocor President Francisco Viray para sa tie-line at certificate of joint final inspection ng 5 Napocor representatives noong Feb. 29, 2000 habang nagkaroon din ng memorandum of agreement sa pagitan ng Napocor at 2 kumpanya para upahan ng Napocor ang tie-lines ng EADPC.
Idinagdag pa ng mga kinatawan, naganap ang mga transaksyong ito habang nasa EADPC pa si Alcordo at hindi pa ito nanunungkulan bilang Napocor president at ng maitalaga na ito sa gobyerno ay binitiwan na niya ang part owner ng 2 kumpanya.
Iginiit pa ng mga ito, pumayag ang EADPC na tumanggap ng hulugang pagbabayad mula sa Napocor sa reasonable rental para sa paggamit ng tie-lines kung saan ay naging pabor pa sa pamahalaan. (Ulat ni Rudy Andal)