Secretary Alvarez, sisipain na!

Ipinahiwatig na ng Pangulong Arroyo ang pagsuko niya sa Commission on Appointments para mapalusot ang pagpapatibay sa pagtatalaga niya kay Environmental and Natural Resources Secretary Heherson Alvarez.

Ito ang impresyon ni Press Secretary Ignacio Bunye sa ginawang panayam ng mga mamamahayag sa Pangulo kung patuloy pang ilalaban ng Malacañang ang nominasyon ni Alvarez sa DENR.

"I don’t remember exactly what the President said but in effect may hint from the President that Secretary Alvarez is on the way out" ani Bunye.

Ang napipintong paghirang ng Pangulo sa isang bagong DENR Secretary ay nakumpirma nang ihayag ni Vice President Teofisto Guingona na inialok sa kanya ng Pangulo ang puwesto ni Alvarez para bigyang daan ang pagtatalaga ng Pangulo kay Senador Blas Ople bilang DFA Secretary.

Nahihirapan si Alvarez na makalusot sa CA dahil sa oposisyon mula sa ilang sektor kabilang na ang PICOP Resources Incorporated.

Inireklamo ng PICOP ang hindi umano pagsunod ni Alvarez sa direktiba ng Pangulo noong Oktubre 11, 2001 na pagkalooban ito ng Integrated Forest Management Agreement (IFMA) para masuportahan ang industriya ng papel sa bansa.

Sa sandaling mapaso ang Timber License Agreement ng PICOP, masasara ang operasyon nito at mawawalan ng trabaho ang 8,000 empleyado ng kumpanya.

Subalit nagpaliwanag si Alvarez sa isang liham ng Pangulo na may petsang Hulyo 25,2002 na lumikha na siya ng isang grupo na magpapabilis sa kumbensiyon ng TLA ng PICOP sa IFMA.

Gayunman,sinabi ni Alvarez na ang PICOP mismo ang lumabag sa kahilingan ng DENR na magtalaga ng kinatawan sa pagbabalangkas ng IFMA.

Iginigiit ng PICOP na kailangang awtomatiko ang kumbersiyon ng IFMA na hindi kailangang dumaan pa sa proseso ng DENR.

Ang pagtanggi umano ng PICOP na dumaan sa proseso ay nangangahulugan na binabaliwala nito ang umiiral na alintuntuning pangkapaligiran at ang pagbabayad ng PICOP ng P37.36 milyong forest charges dahil sa sobrang pamumutol ng kahoy mula Enero hanggang Disyembre 2001.

Sinabi rin ni Alvarez na mayroon pang hindi nababayarang forest charges ang PICOP na P 17.77 milyon mula Mayo 8,2001 hanggang Hulyo 7,2001. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments