Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Sandiganbayan Special Division, sinabi ni dating Ilocos Sur Gov. Luis Chavit Singson na halos dalawang taong niloko ni Estrada ang publiko dahil ito ang nasa likod ng operasyon ng jueteng sa bansa habang iniuutos naman sa Philippine National Police ang pagsugpo ng nasabing ilegal na sugal.
Napilitan rin umano siyang gumawa ng ledger base sa kautusan ni Estrada dahil mahigpit at mapaghinala ang dating pangulo lalo na sa usapin ng salapi. Order rin ni presidente dahil istrikto siya pagdating sa pera, ani Singson kaugnay sa ledger.
Nakasulat sa nasabing ledger ang lugar, halaga ng koleksiyon ng jueteng money at gastusin sa operasyon partikular ang payola sa mga opisyal ng pulis.
Mismong si Estrada aniya ang naglagay kay Yolanda Ricaforte, akusado rin sa P4.1 plunder case, bilang accountant-auditor sa operasyon ng jueteng.
Sinabi rin ni Singson na hindi pa kasama sa P10 milyon na buwanang tinatanggap ni Estrada ang ibinigay niya dito noong Agosto, Setyembre at Oktubre 1998 kung saan siya mismo ang personal na nagdala ng koleksiyon sa una.
Isinalaysay din ni Singson ang minsang pag-aaway nina Estrada at suspected big-time gambling lord Charlie "Atong Ang, akusado rin sa plunder ,matapos hindi mapagbigyan ng una ang kahilingan ng huli sa transaksiyon ng asukal noong Oktubre 1998 habang nagdadala ang dating gobernador ng P9 milyon jueteng money.
Minura umano ni Estrada si Ang at sinabihang, bastos itong hayop na ito, pagkatapos ay tumalikod sa kanilang pag-uusap ang dating pangulo.
Ikinuwento rin ni Singson ang isang insidente kung saan binigyan niya ng P1 milyon tseke si plastic King William Gatchalian mula sa koleksiyon sa jueteng.
Natuklasan din umano niyang sukli pala ni Gatchalian ang P1 milyon mula sa ibinayad nitong P20 milyon halaga ng tseke kay Estrada matapos matalo sa mahjong.
Noon umano naganap ang pamimigay ni Estrada ng balatong tig-100,000 kina dating presidential management staff head Lenny de Jesus at dating presidential spokesman Jerry Barican.
Tumanggap din aniya ng tig-P1 milyon halaga ng balato mula kay Estrada sina Senators Tessie Aquino-Oreta at John Osmeña. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)