Ayon kay Senator Tessie Aquino-Oreta, tahasang paglabag ito sa itinatakda ng Konstitusyon bukod sa masasagasaan nito ang mga kapangyarihan ng mga pamahalaang lokal.
Sinabi ni Oreta na walang batayan ang kahilingang ito ni MMDA chairman Bayani Fernando kaya imposibleng makalusot ito sa Kongreso sakaling hilingin nila ang nasabing karagdagang kapangyarihan ng nasabing ahensiya.
Aniya, hindi din maaaring galawin ang autonomy ng mga local government units at sagasaan ang kapangyarihan ng local executives at local councils na gumagawa ng kanilang mga lokal na batas.
Ginawa ni Fernando ang kahilingang ito dahil sa kawalan ng ngipin ng MMDA sa pagpapatupad ng inaprubahan nilang ordinansa dahil na rin sa kinakailangang aprubahan pa rin ito ng bawat city at municipal councils kung saan ay sila ang magpapatupad nito sa bisa naman ng lokal na ordinansang ipinasa ng Kongreso.
Sinabi naman ni Fernando na walang ngipin ang MMDA dahil na rin sa hindi nila maipatutupad ang kanilang inaprubahang ordinansa dahil na rin sa sinabi ng Korte Surpema noong 1999 na walang police power ito. (Ulat ni Rudy Andal)