Pasado 11:30 ng kamakalawa ng gabi ng unang salakayin ng mga operatiba ang isang bahay sa #75-C Salvador st., Varsity village, Loyola Heights, QC na pag-aari ng isang Dr. Singson, kamag-anak umano ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson, kung saan dalawa sa mga suspek na Tsinoy ang naaktuhang nag-iimpake ng shabu.
Samantala sa ikalawang bahay na nasa #15 Gonzales st., Phase 1 ay naaresto ang walo pang suspek. Sa bahay na ito dinadala umano ng mga suspek ang kanilang finish product.
Ang operasyon ay sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Enrico Lansanan ng Branch 7 ng Manila RTC bunsod na rin ng ilang linggong surveillance.
Bukod sa shabu, nabawi rin ng mga operatiba ang dalawang kotseng Toyota Altis at isang Mitsubishi L-300 delivery van.
Sa mga naaresto, apat ang nakilalang sina Li Lao Nar, Fujian China, Li Man Chuck, Tom Ruiz Chua, Willy Anson Ang at dalawang maid na sina Jessielyn Lamusa at Concepcion Anduhan.
Ayon kay Sr. Insp. Michael Secilano ng MMDEG-NCR matagal na nilang sinusubaybayan ang naturang lugar matapos na makumpirma na positibo ang kanilang impormasyon.
Pero ayon kay Chief Insp. Nelson Yabut, ng Anti-Trafficking Division ng Narcgroup na ang nakuhang shabu-making equipment ay hindi gaanong hi-tech kumpara sa San Juan shabu lab.
Ang Xavierville lab ay kaya lamang umanong makapag-produce ng humigit kumulang sa 50 kilo ng shabu habang sa San Juan lab ay kaya nitong makagawa ng libu-libong kilo ng shabu sa loob lamang ng isang buwan.
Takdang sunugin ang nakumpiskang shabu at raw materials alinsunod na rin sa umiiral na batas.(Ulat ni Angie dela Cruz)