Sinabi ni Sen. Pimentel, hindi dapat magpa-sulsol si Pangulong Arroyo sa mga anti-crime groups na inaakalang magiging kalutasan sa kidnapping at iba pang karumal-dumal na krimen ang pagpapatupad ng parusang bitay.
Ayon kay Pimentel, ang tunay na kalutasan sa paglala ng krimen tulad ng kidnapping at iba pang heinous crimes ay sa pamamagitan ng mabilis na pag-aresto, prosekusyon, pagpapakulong at conviction sa mga ito sa pamamagitan ng pagreporma sa kanila habang nakapiit.
Idinagdag pa ng senador, dapat patawan na lamang ni Pangulong Arroyo ng parusang habambuhay na pagkakakulong ang mga convicts na sina Ronaldo Pagdayawan at Alfredo Nardo na may kasong rape at sina Roderick Licayan at Ricado Lara na may kaso namang kidnapping na ang hatol ay pawang kinumpirma ng Supreme Court.
Aniya, sa pag-upo ni PNP Chief Hermogenes Ebdane ay inaasahang mabubuwag na ang mga syndicate crime groups tulad ng kidnap for ransom, drug traffickers at iba pang criminal elements dahil sa magandang performance at reputasyon nito bilang alagad ng batas.
Iginiit pa ng mambabatas na 15 senador ang lumagda para alisin ang parusang kamatayan bagkus ay patawan na lamang ang mga convicts na heinous crimes ng habambuhay na pagkakakulong para mareporma pa ang mga ito sa pamamagitan ng modern penology.
Wika pa nito, ang pagpaparusa ng kamatayan sa isang tao ay maituturing na barbaric act at hindi makatao kaya dapat lamang alisin na ito at ibasura ang death penalty law. (Ulat ni Rudy Andal)