AFP nag-sorry sa reporter

Humingi ng kapatawaran kahapon ang pamunuan ng AFP dahil sa palpak na Order of Battle ng militar matapos na maisama bilang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang tabloid reporter.

Nangako si AFP Chief Gen. Roy Cimatu kay Bernadette Tamayo, ng pahayagang People’s Journal na lilinisin ang pangalan nito sa buong hukbo at agad tinanggal ang kanyang larawan sa mga wanted list.

Tinanggap naman ni Tamayo ang paumanhin ni Cimatu ngunit sinabing hindi pa tapos ang kontrobersiya hanggat hindi naipapalabas ng AFP ang isang sertipikasyon upang linawin na hindi siya isang bandido.

Umapela si Tamayo sa AFP kamakalawa kung saan nagpadala siya ng isang statement matapos mabatid na napasama ang kanyang larawan sa listahan ng mga miyembro ng ASG na wanted sa batas na may reward na 1 milyong piso at kasama sa tinutugis ng mga sundalo sa lalawigan ng Sulu at sa iba pang bahagi ng Mindanao.

Hinihinalang nakuha ang larawang ito ni Tamayo noong taong 2000 sa kasagsagan ng Sipadan hostages sa Sulu na dinagsa ng maraming mamamahayag na pabalik-balik sa kampo ng mga bandido.

Nakipag-usap na rin si Cimatu kay Lt. Danilo Lucero ng 18th IB upang humingi rin ng paumanhin kay Tamayo. Si Lucero ang naghanda ng mga litrato na ipinaskil noong April ng taong ito sa ilang bahagi ng Sulu at Zamboanga. (Ulat nina Danilo Garcia at Ely Saludar)

Show comments