Sinabi ni Secretary Hernando Perez na mahirap at imposible ang mungkahi ni Legarda kaya sigurado anyang hindi papabor ang publiko hinggil dito sapagkat maraming mga Pilipino ngayon ang nagiging bisyo ang paninigarilyo.
Ayon kay Perez, kung ika-klasipika na drugs ang lahat ng sigarilyo ay tiyak na maraming tao ang tatamaan dito. Kabilang na ang mga pulitiko, negosyante at ordinaryong manggagawa na karaniwang naninigarilyo.
Aniya, naniniwala siyang dapat ay magkaroon ng siyentipikong basehan ang naturang isyu bago ito ayunan ng mga mambabatas.
Inamin ni Perez na mahirap iwasan ang paninigarilyo ng isang taong matagal nang gumagamit nito dahil siya mismo ay nahilig dito. Naniniwala rin ang kalihim na hindi ito dapat i-regulate. Iginiit pa ng DOJ chief na hindi dapat tapatan ng kaparusahan ang smoking issue dahil tiyak na marami ang masasagasaan. Sinabi ni Perez na lubhang mabigat sa kalooban ng isang maninigarilyo kung ang magiging kaparusahan niya ay ang pagkabilanggo.
Matatandaan na sinabi ni Legarda na kaya niya inihain ang naturang panukala ay upang ma-monitor ang mga sigarilyong pumapasok sa bansa. Layon din nito na masaklaw ng Bureau of Food and Drugs (BFD) ang lahat ng mga sigarilyo. Ito ay upang ma-regulate ang mga sigarilyo na hinihithit ng publiko para maiwasan ang paggamit nito kung ito ay idedeklarang droga. (Ulat ni Gemma Amargo)