"I am giving Jun (Ebdane) the total accountability and responsibility for kidnapping and challenge him to eliminate kidnapping in one year and he has accepted that challenge," pahayag ng Pangulo.
Sa kanyang talumpati sa Camp Crame, inutusan rin nito ang bagong upong si Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza na agad na makipag-ugnayan kina Metropolitan Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando at Bureau of Customs chief Tony Bernardo para naman sa paggawa ng mabisang plano sa pagsugpo sa matinding problema sa trapiko at basura ng Metro Manila at paglutas sa maraming insidente ng drugs, firearms at human smuggling.
Inihayag rin ng Pangulo ang tuluyang pagbuwag sa National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) dahil sa paglisan ni Ebdane ngunit bubuo ng isang bagong espesyal na Task Force na pamumunuan ni Davao City Mayor Rudy Duterte.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga provincial director ng PNP na tumulong sa pagpapalakas ng implementasyon ng mga batas laban sa gambling, drugs at kidnapping.
Isang summit ang iniutos ng Pangulo kay Ebdane para idaos sa Miyerkules, Hulyo 10 para makatulong sa mas epektibong pagpapatupad ng kampanya laban sa pangingidnap.
Hiniling ng Pangulo sa lahat na opisyal at tauhan ng PNP na ganap na kilalanin ang prinsipyo ng command responsibility para maiwasan ang pagtuturuan kung sino ang may pagkakasala sa pagpalpak ng kanilang operasyon.(Ulat nina Danilo Garcia,Joy Cantos at Lilia Tolentino)