Sinabi ni acting Press Secretary Silvestre Afable sa kanyang press briefing kahapon na isang espesyal na komite ang itatatag ng Pangulo para siyang humirang ng isang pirmihang DFA secretary kapalit ni Guingona.
Ayon naman sa Pangulo, ipinauubaya na niya sa kanyang search committee ang pagpili sa makakapalit ni Guingona na nagdiriwang ngayon ng kanyang ika-74 taong kapanganakan.
Kabilang sa mga matunog na pinagpipilian kapalit ni Guingona sina Senate President Pro-tempore Blas Ople, dating Sen. Francisco "Kit" Tatad, dating DFA Secretary Roberto Romulo, dating DTI Secretary Cesar Bautista, ASEAN Secretary General Rodolfo Severino, Tourism Secretary Richard Gordon, ex-Ambassador to the US Raul Rabe at dating Sen. Ernesto Maceda.
Ipinaliwanag naman ni Afable na bilang punong tagapag-paganap ng bansa, ang Pangulo rin ang siyang pangunahing taga-balangkas ng patakarang panlabas ng Pilipinas kaya walang malalabag na panuntunan kung siya man ang pansamantalang umupo bilang DFA secretary. (Ulat ni Lilia Tolentino)