Sinabi ni Lim sa kanyang testimonya na direkta niyang kinokolekta kay Jinggoy ang tinatayang P3 milyon na umano ay mula sa jueteng. Simula Enero hanggang Marso 1999, tatlong beses umano siyang personal na nagpunta sa opisina ng alkalde sa San Juan para kunin ang tig-P1 milyon.
Cash umano ang ibinibigay sa kanya sa dalawang naunang pagkakataon at isang personal check ni Jinggoy sa United Overseas Bank na may litrato pa nito sa huli niyang pagpunta.
Isinangkot din ni Lim sina Anton Prieto na nakolektahan umano niya nang hindi bababa sa P12 milyon at Rodolfo "Bong" Pineda.
Lahat umano ng pera ay idineposito niya sa personal account ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa Metrobank Ayala branch.
Sinabi naman ng kampo ni dating Pangulong Estrada na patunay lamang ang testimonya ni Lim na si Singson ang nasa likod ng jueteng operations dahil sa account nito napupunta ang pera. (Ulat ni Malou Escudero)