^

Bansa

Legalisasyon ng jueteng binuhay sa Kongreso

-
Upang tuluyan nang matapos ang problema ng pamahalaan tungkol sa jueteng, muling binuhay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang legalisasyon nito.

Nasa House committee on Games and Amusement na ang panukalang batas na inihain ni Rep. Augusto "Bobby" Syjuco na naglalayong gawing legal ang jueteng sa bansa.

Sinabi ni Syjuco na sa kabila ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan kaugnay sa ilegal na sugal ay nagpapatuloy pa rin ang operasyon nito sa iba’t ibang panig ng bansa at ang mga operators lamang ang tanging nakikinabang.

Marami rin aniyang opisyal ng pamahalaan ang nagiging corrupt dahil sa nasabing ilegal na sugal.

Kung magiging legal umano ang jueteng ay mawawala na ang korupsiyon na dala ng nasabing sugal dahil mababantayan na ito ng pamahalaan, at katulad ng lotto ay maraming mga programa ng gobyerno ang puwede nitong mabiyayaan.

Maging si dating Ilocos Sur Gov. Luis ‘’Chavit’’ Singson ay naniniwalang mahirap masugpo ang jueteng dahil nakakabit na ito sa kultura ng mga Pilipino kaya dapat nang pag-aralan ang legalisasyon nito.

Noong nakaraang 11th Congress ay apat na mambabatas din ang nagsulong sa legalisasyon nito na kinabibilangan nina dating Reps. Macario Laurel (Batangas), Luis ‘’Baby’’Asistio (Caloocan), Amado Perez (Pangasinan) at Arnulfo Fuentebella (Camarines Sur).

Maging ang mga kubrador ng jueteng na nahuli kamakalawa sa Quezon City ay pabor na gawin nang legal ang nasabing sugal.

Wala naman umano itong ipinag-iba sa lottery at sa iba pang legal na sugal na tinatangkilik ng masa.

Nakasaad din sa panukala ni Syjuco na kung magiging legal ang jueteng ay tataas pa ang revenue ng gobyerno at makakabuo ng panuntunan upang mapangalagaan ang interes ng publiko.

Magugunitang ang jueteng ang naging dahilan upang mapatalsik sa puwesto si dating Pangulong Joseph Estrada at masibak ang 7 PNP officials kamakailan.

Kinumpirma naman ng isang staff ng House committee on games and amusement kung saan naroon ang panukala matapos itong pumasa sa 1st reading ng maaari na itong ikalendaryo para sa deliberasyon sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ngayong Hulyo.
Legalisasyon haharangin ng DOJ
Haharangin ng Department of Justice ang anumang panukala sa Kongreso tungkol sa legalisasyon ng jueteng.

Sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez, nararapat lamang umanong tutulan ang anumang hakbangin na gawing legal ang jueteng dahil masyado nang marami ang sugal sa buong Pilipinas.

Inihalimbawa ni Perez ang mga sugal na ginawa ngayong legal ng Kongreso tulad ng sabong, casino at iba pa na may prangkisa mula sa lehislatura.

Hindi anya dapat gawing katwiran ng mga alagad ng batas ang kanilang kahinaan para sugpuin ang jueteng kaya nararapat na lamang itong gawing legal.

Bukod dito, nababahala din ito na humalili ang Pilipinas sa Las Vegas, Nevada bilang gambling capital sa buong mundo. (Ulat nina Malou Escudero/ Gemma Amargo)

AMADO PEREZ

ARNULFO FUENTEBELLA

CAMARINES SUR

DEPARTMENT OF JUSTICE

GAMES AND AMUSEMENT

JUETENG

KONGRESO

LEGAL

SYJUCO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with