Ayon sa Bayan Muna, marahil ay hindi nagugustuhan ng Amerika ang patuloy na pagtanggi ni Guingona sa pagpapatuloy ng Balikatan Exercises at iba pang patakaran ng Amerika sa Pilipinas.
Posibleng may kinalaman ang pamahalaang US sa pamamagitan ng kanilang mga Am-Boys (American Boys) at Am-Girl sa Gabinete sa kontrobersiyal na liham ni Pangulong Arroyo sa umanoy pagbibitiw ni Guingona, ani Roberto de Castro, deputy secretary-general ng Bayan Muna.
Ang Am-Boys umano ay pinangungunahan nina General Angelo Reyes ng DND at presidential consultant for global competitiveness Roberto Romulo, samantalang ang Am-Girl ay walang iba umano kundi si Pangulong Arroyo.
Sinabi ni de Castro na ang US centered foreign policy ang pinakamalaking dahilan kung bakit nais paalisin si Guingona bilang kalihim ng DFA.
Si Guingona umano ay itinuturing na tinik sa pagpapatupad ni GMA ng mga patakaran ng US sa Pilipinas.
Pinaratangan din ni de Castro sina Pangulong Arroyo, Reyes at Romulo na lantaran umanong tagasunod sa interes ng US tulad ng ekstensiyon ng Balikatan, Mutual Logistical Support Agreement (MLSA) at globalisasyon. Ang mga nasabing patakaran ay mariin aniyang tinututulan ni Guingona dahil mas mahalaga dito ang pambansang kasarinlan.
Naniniwala ang Bayan Muna na hanggat si Guingona ang DFA secretary ay mabibigo umano ang sabwatang US-GMA at Reyes sa kanilang mga balak. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)