Sinabi ni Sen. Tessie Aquino-Oreta, kahit may ginawang retraction si Press Secretary Silvestre Afable matapos nitong naunang inihayag na tinanggap ng Pangulo ang resignation ni Guingona ay walang malinaw na paliwanag kung bakit mayroong sulat na inihanda ang Palasyo na pirmado pa ng chief executive.
Dapat anyang ipaliwanag din ng Malacañang kung bakit mayroong ginawang draft ng sulat na pirmado umano ni Pangulong Arroyo kung saan ay tinatanggap ng chief executive ang pagbibitiw ni Guingona bilang miyembro ng Gabinete.
Dahil dito, wika pa ni Oreta, dapat ay magbitiw na lamang bilang cabinet member si Guingona sa halip na manatili pa sa pagiging kalihim ng DFA dahil na rin sa nasabing pangyayari.
Idinagdag pa ng senadora, kahit kontra si Guingona na palawigin pa ang pananatili ng mga US troops kaugnay sa Balikatan exercises na dapat ay hanggang July 31 ay may plano ngayong pahabain pa ang kanilang pananatili gaya ng pahayag ni US Defense Sec. Donald Rumsfeld na inayunan naman ng Malacañang. Iginit pa ng mambabatas na dapat ay magising sa katotohanan si Guingona na binabalewala na siya at hindi kinukunsulta pagdating sa mga sensitibong usapin dahil na rin sa pagtutol nito sa Balikatan. (Ulat ni Rudy Andal)