Sinimulan ang kasalan ng alas-10 ng umaga at natapos ng 11:30 ng tanghali.
Dinagsa ito ng mga matataas na opisyal ng gobyerno sa pangunguna ni Pangulong Arroyo at First Gentleman Mike Arroyo kasama ang mga balae nito na sina Herman at Rosario Montenegro. Principal sponsors sina dating pangulong Fidel Ramos at Cory Aquino, negosyanteng si Don Emilio Yap, Sen. Loren Legarda-Leviste, Diosdado Macapagal Jr., Mrs. Gina de Venecia, Mario Cruel, Norma Chan, Enrique Aboitiz at Salvacion Villarasa.
Nagpadala rin ng liham si Pope John Paul II na bumabati sa bagong mag-asawa.
Naging maayos ang kabuuan ng kasalan dahil na rin sa seguridad na ipinatupad ng PNP at PSG.
Subalit nagkaroon naman ng klasikong pangyayari sa kasalan sa eksenang paghalik ni Mikey kay Angela.
Tila inip na umano si Mikey na magbigay ng go signal si Archbishop Paciano Aniceto na puwede nang halikan ang bride.
Nang humalik na si Mikey kay Angela ay tila isang eksena sa pelikula na sinibasib ng halik ng isang action star ang kanyang leading lady na nagresulta para magkatawanan sa simbahan.
Kasabay nito, idineklara ng Malacañang na isang simple lamang ang nasabing kasalan. Wala umanong ginastos dito ang gobyerno lalo sa ginawang pagkumpuni sa simbahan. (Ulat ni Ely Saludar)