Ayon kay Alain Pascua, chairman ng Kaakbay at head convenor ng Abolish PPA Movement, lubhang nakalulungkot ang naging desisyon ni Judge Alfredo Flores ng Pasig RTC branch 167 na ibasura ang kanilang petisyon para sa TRO laban sa buwanang pangongolekta ng PPA mula sa mga consumers.
Base sa inilabas na desisyon ni Flores, walang matinding pangangailangan para magpatupad siya ng TRO laban sa koleksiyon ng PPA.
Sinabi ni Pascua na kung pinagbigyan ang kanilang hinihiling na 20 araw na TRO sa PPA, makararanas ng panandaliang lunas ang mamamayan sa buwanang pagbabayad nito. "Lalo lamang dadami ang bilang ng mga grupo, samahan at maging mga indibidwal na susuporta sa aming pagkilos kontra PPA. Sa kasalukuyan ay halos nagkakaubusan na nga kami ng papel na ginagamit sa aming 1 million signature drive sa kalakhang Maynila at karatig pook, ganoon karaming tao ang sumusuporta sa aming laban," pahayag ni Pascua
Dahil umano sa desisyon ng korte, hindi malayong maging nationwide na ang kanilang kilusan dahil bawat Pilipino ay apektado sa isyung ito. (Ulat ni Andi Garcia)