Dumating kahapon ng umaga na naka-wheelchair si Sen. Revilla mula sa US matapos ang tatlong buwang pananatili doon bunga ng isinagawang operasyon sa kanyang spinal column.
Sinalubong siya sa NAIA nina Senate President Franklin Drilon at anak nitong si ex-Cavite Gov. Bong Revilla.
Bagaman medyo hirap sa kanyang kalagayan, masayang kumaway ang senador sa kanyang mga well wishers.
Inako na lamang ni Bong ang pagsagot sa mga katanungang pinukol ng media.
"Lakas-NUCD pa rin si daddy at mananatili siya sa administration bloc," muling paglilinaw ni Bong.
Tungkol naman sa isyu kung tinanggap na ni Bong ang pagiging hepe ng Videogram Regulatory Board (VRB), sinabi niya na pinag-iisipan pa niya kung tatanggapin ang alok ni Pangulong Arroyo.
"Hindi ko pa tinatanggap ang offer ng Presidente. Ikukunsulta ko muna sa tatay ko. Kung ano ang desisyon niya, yon ang masusunod," wika ni Bong.
Ayon naman kay Sen. Drilon, ang dahilan ng kanyang pagsalubong kay Sen. Revilla ay para personal niyang makita kung ayos na ang kalagayan ng huli. "As a colleague, I just want to have a personal glimpse on how he (Sen. Revilla) is doing. He looks fine. Hindi namin pinag-usapan kung mananatili siya sa amin (administration) o hindi. Hirap siyang magsalita dahil halos wala siyang boses. Bigyan natin siya ng pagkakataong mag-decide at makapagpahinga," ani Drilon.
Inaasahang dadalo sa pagbubukas ng 2nd regular session ng Senado sa Hulyo 22 si Sen. Revilla. (Ulat nina Butch Quejada at Rudy Andal)